
Panalo sa ikalawang sunod na pagkakataon ang Russian cyclist na si Ivan Anisimov ng LCW UAE Cycle sa Stage 5 ng Tour of Luzon mula Santiago City, Isabela hanggang Tuguegarao City, Cagayan nitong Linggo.
Nagtala si Anisimov ng kabuuang oras na 2:47:26 sa 126.7-kilometrong karera.
Ayon sa 23-anyos na atleta, inilabas niya ang kanyang lakas sa huling 200 metro malapit sa Enrile Town Hall matapos sundan ang isang sprinter mula sa Seoul team.
Hindi naging hadlang ang sugat niya mula sa naunang stage at ang matinding init ng panahon para makuha ang tagumpay.
Dahil sa panalo, umakyat na sa tatlo ang napanalunang stage ng kanilang koponan.
Ang unang stage ay napanalunan naman ng kanyang teammate na si Yousef Ibrahiem Alrefai noong April 29.
Ngayong araw sasabak ang mga kalahok sa Stage 6 mula Tuguegarao City hanggang Pagudpud, Ilocos Norte na may kabuuang distansya na 228.90 kilometro, na siyang pinakamahabang ruta na tatahakin ng mga siklista sa kabuuang 14 stages ng MPTC Tour of Luzon 2026.
Patuloy namang inaabangan ng cycling fans kung maipagpapatuloy pa ni Anisimov ang kanyang magandang performance sa mga susunod na yugto ng karera.










