Itinaas na ang Signal No. 3 sa ilang lugar sa Luzon at Visayas habang patuloy na lumalakas ang Bagyong Uwan sa Philippine Sea.

Apektado ng bagyong may hangin na umaabot sa 89–117 km/h ang Catanduanes, silangang bahagi ng Camarines Sur, silangang bahagi ng Albay, hilagang-silangan ng Sorsogon, at hilagang-silangan ng Northern Samar.

Nasa Signal No. 2 naman ang mga lugar na posibleng makaranas ng hangin na 62–88 km/h, kabilang ang mga bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Rizal, Laguna, Metro Manila, Bulacan, Quezon, Marinduque, Camarines Norte, at ilang isla sa Visayas.

Samantala, Signal No. 1 ay ipinaabot sa mga karatig na rehiyon kung saan maaaring maramdaman ang hangin na 39–61 km/h, tulad ng Batanes, Cagayan, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte at Sur, La Union, at iba pa.

Batay sa huling obserbasyon, ang Uwan ay 575 km silangan ng Catarman, Northern Samar, na may maximum sustained winds na 150 km/h at may gustiness hanggang 185 km/h, kumikilos pa-kanluran sa bilis na 30 km/h. Posibleng magdulot ang bagyo ng storm surge na lampas 3 metro sa ilang lugar sa Luzon at Visayas sa susunod na 48 oras.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayuhan ang publiko na maghanda sa malakas na ulan, hangin, at storm surge, at manatiling alerto sa mga posibleng pagbabago sa landfall at lakas ng bagyo.