Isang sikat na babaeng showbiz personality ang kabilang sa “alpha” members na sangkot sa pagkawala ng nasa 100 na sabungeros, ayon kay alyas “Totoy,” isa sa mga akusado sa kasong kidnapping.
Kasama ang pangalan ng celebrity sa affidavit ni Totoy na nakatakda niyang isumite sa mga awtoridad na sangkot umano sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni Totoy na laging kasama ang nasabing celebrity sa mga meeting ng grupo, at marami din umano siyang alam sa operasyon ng grupo.
Idinagdag pa ni Totoy na dapat na kasama din sa masampahan ng kaso ang nasabing babaeng celebrity kasama ang mahigit 30 sibilyan at mga pulis.
Sinabi niya na handa na ang kanyang affidavit at isusumite niya ito sa sandaling makumpleto niya ang mga ebidensiya.
Naghahanap din siya ng mga tao na susuporta sa kanyang mga alegasyon.
Nagsasagawa na ng initial investigation ang National Police Commission (Napolcom) sa mga isiniwalat ni Totoy.
Sinabi ni Napolcom Vice Chairperson Atty. Rafael Calinisan, kailangan na maghain ang complainant ng formal complaint sa Napolcom, at tiniyak na aaksiyonan nila ito.
Ayon sa kanya, kailangan na malaman ang katotohanan sa mga alegasyon ni Totoy dahil hindi siya komportable na may isinasangkot na mga pulis.
Tiniyak niya na hindi sila magdadalawang-isip na disiplinahin o tanggalin sa serbisyo ang mga mapapatunayang sangkot na mga pulis sa kaso ng missing sabungeros.