
Inanunsyo ni Ferdinand Marcos Jr. na naaresto sa Prague, Czech Republic ang puganteng dating kongresista na si Zaldy Co.
Si Co na dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list, ay itinuturing na pangunahing personalidad sa multibillion-peso na iskandalo sa flood control projects.
Si Co ay matagal nang nasa ibang bansa mula kalagitnaan ng 2025, umano’y para sa gamutan, ngunit kalaunan ay nasangkot sa imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang mga proyektong pang-imprastraktura.
Kabilang dito ang mga flood control projects na iniuugnay sa kumpanyang pag-aari ng kanyang pamilya na Sunwest Construction and Development Corporation.
Ipinanganak siya sa Legazpi, Albay noong 1970 at nagtapos ng computer engineering sa AMA Computer College.
Bilang negosyante, itinatag niya kasama ang kanyang kapatid ang Sunwest noong 1997, na may operasyon sa real estate, enerhiya, at turismo.
Naging aktibo ang kanyang kumpanya sa mga proyekto ng gobyerno, lalo na noong administrasyon ni dating Pangulo at ngayon ay Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, kung saan nakakuha ito ng ilang kontrata sa flood control at road projects.
Nagpatuloy ang kanilang pakikipagtransaksyon sa gobyerno, partikular sa Bicol region.
Noong 2019, ibinenta ni Co ang kanyang bahagi sa Sunwest matapos mahalal bilang kinatawan ng Ako Bicol Party-list, at muli siyang nahalal noong 2022.
Naging chairman din siya ng House Committee on Appropriations hanggang sa matanggal sa posisyon noong Enero 2025.
Lumala ang kanyang pagkakasangkot sa iskandalo matapos siyang ituro ng ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways bilang isa sa mga umano’y tumanggap ng kickbacks mula sa mga substandard o hindi natapos na flood control projects na nagkakahalaga ng daan-daang bilyong piso.
Inakusahan din si Co na nagpasok ng mga last-minute na proyekto sa 2025 national budget.
Ayon sa kanya, iniutos umano ito ni Marcos sa pamamagitan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman at ni dating House Speaker Martin Romualdez — isang alegasyon na itinanggi ng Malacañang.
Nagbitiw si Co bilang kinatawan noong Septermber 2025 at hindi na bumalik sa bansa.
Noong Nobyembre, naglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan laban sa kanya at sa iba pang sangkot sa flood control scandal.
Kinansela rin ang kanyang pasaporte, bagama’t pinaniniwalaang maaaring gumagamit siya ng ibang passport.
Nauna ring kinumpirma na nasa Portugal siya bago ang kanyang pagkakaaresto sa Prague.
Samantala, patuloy ang hakbang ng gobyerno upang maibalik siya sa Pilipinas at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.










