Isinusulong sa Kamara ang panukalang tuluyang pagbawal sa paggamit ng social media at online gaming platforms sa mga batang edad 13-anyos pababa, habang mas mahigpit namang ireregulate ang paggamit nito ng mga edad 14 hanggang 17.

Ayon kay Pasig Rep. Roman Romulo, chairman ng House Committee on Basic Education and Culture, layunin ng panukala na maprotektahan ang mga kabataan laban sa mga online content at features na maaaring makasama sa kanilang kapakanan.

Kasunod ito ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City kung saan dalawang estudyante ang nasawi, kabilang ang sinasabing gunman.

Bukod sa age restrictions, nais din ng Kamara na obligahin ang mga social media at online gaming platforms na magkaroon ng Philippine presence bago payagang mag-operate sa bansa. Kapag walang lokal na presensya, maaaring i-block ng Department of Information and Communications Technology o DICT ang naturang platform.

Plano rin ng Kongreso na bumuo ng classification board para sa online games na susuri at magmomonitor sa mga larong maaaring ma-access ng mga kabataan.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang tatapusin ng House Committee on Welfare of Children ang pagdinig sa mga kaugnay na panukala pagsapit ng ikalawang linggo ng Setyembre.