Naipasakamay na ng National Irrigation Administration (NIA) ang Solar Pump Irrigation Project sa dalawang farmers association sa bayan ng Lasam at Buguey, Cagayan.
Ayon kay Engr. Glenn Sherwin Rubino, Engineering & Operation Section Chief ng NIA Cagayan-Batanes na unang ipinagkaloob sa Peru Farmers Association sa Brgy Peru, Lasam ang P9M halaga ng Phase 2 ng PERU Solar Pump Irrigation Project.
Matatandaan na una nang napapakinabangan ng ilang mga magsasaka ang Phase 1 ng naturang proyekto.
Sa ngayon ay operational na ang dalawang phase ng irrigation system nang libre gamit ang solar panel at solar pump na kayang patubigan ang nasa 20 ektarya ng taniman ng nasa 67 magsasakang benepisaryo.
Dagdag pa ni Rubino na kamakailan lang ay ginanap din ang turnover ceremony sa kauna-unahang solar power pump project sa bayan ng Buguey na nagkakahalaga ng P3.4M.
Ito ay may dalawang water source mula underground at open source upang maiwasan ang paghalo ng saline water o tubig alat na nakukuha sa underground dahil sa malapit lamang ito sa karagatan.
Kaya naman nitong mapatubigan ang 10 hectares ng taniman kung saan mayoong 15 magsasaka ang benepisaryo ng naturang proyekto.
Sinabi ni Rubino na ang naturang mga proyekto ay magpapataas sa produksyon ng mga magsasaka dahil posible na ngayong magtanim ng dalawa o higit pa kada isang taon at hindi na rin kailangang gumamit ng diesel para sa patubig.