TUGUEGARAO CITY-Bumuo ng isang programa o “Special Program for Employment of College Student” ang provincial government ng Cagayan para sa mga kolehiyo na hindi napabilang sa Special Program for Employment of Students (SPES) ng DOLE.

Ayon kay Mylene Peralta ,provincial employment service office(PESO) manager, hindi na umano kasi pareho ang bakasyon ng highshool at kolehiyo kung kaya’t inihiwalay ang nasabing programa.

Aniya, popondahan ng provincial government ng Cagayan ang naturang programa kung saan sasahod ng P300 kada araw na pagtatrabaho ang isang estudyante.

Sampung araw ang kailangang tapusin ng isang estudyante kung saan walong oras ang kailangang gugulin sa pagtatrabaho sa unibersidad na pinapasukan bilang student assistant.

Kaugnay nito, tinanggap na umano ng lahat ng campuses ng Cagayan State University at iba pang pribadong paaralan ang nasabing proyekto kung saan mayroong mahigit 1200 slots ang ibibigay para sa mga estudyante.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Peralta na makipag-ugnayan lamang sa eskwelahang pinapasukan ang mga estudyanteng nais pumasok sa naturang programa.