Nagsagawa ng panibagong Run After Contribution Evaders (RACE) operations ang Social Security System (SSS) sa Metro Manila upang matiyak na naihuhulog ng mga employer ang kontribusyon ng kanilang mga manggagawa.

Ayon kay SSS Senior Vice President Benjamin Dolindo Jr., umabot sa 458 employers ang saklaw ng sabayang operasyon na may kabuuang pagkakautang na ₱166.53 milyon.

Mahigit 4,700 empleyado ang apektado dahil sa hindi paghuhulog ng kontribusyon, gayundin sa hindi pagpaparehistro ng ilang negosyo sa SSS.

Binigyang-diin ni Dolindo na maaaring mawalan o mahirapang makakuha ng mga benepisyo ang mga apektadong manggagawa, kabilang ang mga loan at pension.

Nilinaw naman ng SSS na bibigyan muna ng pagkakataon ang mga employer na magpaliwanag at maaari ring makinabang sa mga installment payment program upang mabayaran ang kanilang obligasyon.

-- ADVERTISEMENT --