
Mas maraming miyembro ng Social Security System (SSS) ang kwalipikado na sa UPLIFT Assistance Program kung mayroon silang monthly salary credit na hindi hihigit sa ₱10,000, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, makatatanggap ang mga bagong kwalipikadong benepisyaryo ng kabuuang ₱8,000 na ayuda, na ibibigay sa apat na tranche na tig-₱2,000.
Magsisimula ang pag-credit ng ayuda sa kanilang SSS disbursement accounts sa Oktubre 30.
Samantala, matatanggap naman ng mga dati nang kwalipikadong Group 3 beneficiaries na may monthly salary credit na ₱20,000 pababa ang ikatlo at ikaapat na tranche na may kabuuang ₱4,000 simula Nobyembre 6.
Para sa Group 2 beneficiaries na hindi pa nakapag-enroll ng electronic wallet, isasagawa ang manual payout mula Nobyembre 2 hanggang 30.
Pinayuhan ang mga benepisyaryo na makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan upang malaman ang iskedyul at lugar ng payout.
Pinaalalahanan din silang tiyaking tama at updated ang kanilang personal information, account number, email address at contact number upang maiwasan ang aberya sa pag-credit ng ayuda.
Maaaring suriin at i-update ang kanilang mga detalye sa opisyal na website ng programa sa uplift-g2p.dswd.gov.ph.
Ayon pa kay Dumlao, patuloy na mino-monitor ng UPLIFT Committee ang sitwasyon sa bansa at pinag-aaralan ang posibleng karagdagang tulong sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.










