Iniutos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, gayundin ng tanggapan ni Senador Robin Padilla na imbestigahan ang umano’y paggamit ng marijuana ng isang tauhan ni Padilla sa loob ng gusali ng kapulungan.
Ayon kay Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr. inatasan niya ang Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na magsagawa ng imbestigasyon alinsunod sa utos ni Escudero.
Base ito sa lumabas na ulat na isang empleyado umano ni Padilla ang pinaghihinalaan na humitit ng marijuana sa isang opisina.
Sinabi ni Bantug na nagsumite na ang OSAA ng kanilang ulat ngayong Huwebes tungkol sa insidente, at binigyan ng kopya ang tanggapan ni Padilla.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Rudolf Philip Jurado, chief of staff ni Padilla, nagsasagawa rin sila ng kanilang sariling imbestigasyon.
Ayon kay Jurado, inatasan na nila ang sinasabing tauhan nila na magsumite ng paliwanag sa loob ng limang araw tungkol sa nasabing insidente.
Idinagdag niya na ikinagulat ni Padilla nang malaman nito ang ulat at nag-utos na magsagawa ng imbestigasyon para alamin kung totoo o hindi ang insidente.
Itinanggi naman ni Jurado na ipinatawag siya ng OSAA, at nilinaw na sadya siyang nagtungo sa naturang tanggapan noong Miyerkules para humingi ng impormasyon tungkol sa insidente.