TUGUEGARAO CITY- Idineklara ang state of calamity sa bayan ng Claveria, Cagayan dahil sa mga pinsalang iniwan ng mga pagbaha at landslides bunsod ng nagdaang bagyo na Quinta.
Sinabi ni Jayson Sacro, Municipal Disaster Risk, Reduction and Management Office head na halos lahat ng mga barangay sa Claveria ay binaha at maraming lugar ang nagkaroon ng landslide.
Ayon kay Sacro, tatlong bahay ang totally damaged matapos na rumagasa ang tubig mula sa sapa habang tatlo ang partially damaged matapos na matabunan ng lupa sa Brgy. Taggat Sur at isa ring bahay ang natabunan sa Brgy. Bilibigao.
Idinagdag pa ng opisyal na mahigit 5,000 families o mahigit 21, 000 individuals ang naapektuhan sa kalamidad.
Sa ngayon aniya ay inaalam pa nila ang kabuuang halaga ng iniwang pinsala ng kalamidad.
Bagamat sa inisyal na report, mahigit sa 250 hectares ng palay ang nasira.
Ang bayan ng Claveria ay may 41 barangays.
Samantala, sinabi ni Sacro na tanging light vehicles pa lamang ang pinapayagan na makadaan sa lansangan sa may bahagi ng view deck sa nasabing bayan matapos ang nangyaring landslide.