Dinarayo ngayon ng mga lokal na turista sa Nueva Vizcaya at kalapit na lalawigan ang pinakabagong strawberry farm sa Rehiyon dos.
Bukod kasi sa Benguet, mayroon na ring strawberry fields sa Brgy Malico, Sta Fe na pagmamay-ari ni Ginoong Noel Calimosa na patok ngayon sa mga turista para sa tanim niyang Sweet Charlie strawberry varieties na walong buwang pa lamang mula nang ito ay buksan sa publiko.
Sa kanyang pagbisita sa naturang agri-tourism farm, sinabi ni DTI Provincial Director Marieta Salviejo na nakahanda ang pamahalaan na tulungan si Calimosa sa pamamagitan ng mga programa at serbisyo ng ahensya upang mas lalo itong lumago at maipakilala sa publiko at maging sa processing.
Sinabi ni Salviejo na sa halagang P20 na entrance fee ay maaaring kumuha ng mga larawan o selfies at mamitas ng mga bibilhing strawberry para sa pick and pay na konsepto at maeenjoy rin ang malamig na klima na kahalintulad sa Strawberry Farm sa La Trinidad, Benguet.
Bukas naman araw-araw ang taniman ng strawberry ngunit ang pamimitas ay maaari lamang gawin sa araw ng Biyernes at Sabado.
At dahil nasa trial pa lamang, mula sa tatlong ektarya na lupain ni Calimosa ay nasa humigit-kumulang na isang ektarya pa lamang ang natamnan nito na planong palawigin sa susunod na taniman.
Nabatid na natutunan ni Calimosa ang pagtatanim ng strawberry sa pamamagitan ng isang kaibigan na kabilang rin sa indigenous people mula Benguet.