
Maraming international law experts sa United States ang pumirma sa iang open letter na nagsasabing ang mga pag-atake ng US sa Iran ay katumbas ng war crimes, matapos na igiit ni US President Donald Trump ang kanyang mga banta ngayong linggo na maglulunsad ng strikes sa power at desalination plants ng Tehran.
Sa talumpati kahapon ni Trump, nagbanta siya na lalo pang titindi ang giyera kung hindi susunod ang Iran sa mga kahilingan ng US, kung saan posible ang pag-target sa energy at oil infrastructure ng Iran.
Mahigit 100 international law experts sa US, kabilang ang mula sa mga paaralaan tulad ng Harvard, Yale, Stanford at University of California, ang nagsabi sa liham na inilabas kahapon, na ang mga ginagawang pag-atake ng US forces at mga pahayag ng mga matataas na opisyal ay nagtataas ng seryosong alalahanin tungkol sa paglabag sa international human rights law at international humanitarian law, kabilang ang potensyal na war crimes.
Partikular na tinukoy sa liham ang naging pahayag ni Trump nitong kalagitnaan ng buwan ng Marso na posibleng maglunsad ng strikes ang US sa Iran bilang katuwaan lang.
Tinukoy din ang mga pahayag mula kay Pentagon chief Pete Hegseth nitong unang bahagi ng Marso na hindi lumalaban ang US sa ilalim ng tinawag niyang walang kwentang “rules of engagement.”
Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang law experts sa mga pag-atake na tumama sa mga eskwelahan, health facilities, at mga tahanan.
Matatandaan na sa unang araw ng pag-atake sa Iran noong Pebrero 28, tinamaan ang isang eskwelahan, kung saan 175 ang namatay, kabilang ang mga bata.










