Pagdedesisyunan ng mga senator-judge sa Lunes kung pagbibigyan ang hiling ng prosecution na maipatawag at maisumite ang tax at bank records ni Vice President Sara Duterte bilang ebidensya sa kanyang impeachment trial.

Tutol naman ang kampo ng Bise Presidente sa hakbang. Ayon kay defense spokesperson Michael Poa, hindi pinapayagan ng batas ang pagpapalabas ng confidential tax records para sa impeachment proceedings at dapat na naaayon sa Konstitusyon at umiiral na batas ang pagkuha ng anumang ebidensya.

Sinabi naman ni dating Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares na kailangan muna ng pahintulot ng Pangulo bago mailabas ang confidential tax records. Sa ngayon, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala pang natatanggap na pormal na kahilingan ang Malacañang kaugnay nito. Bukod sa tax records, hinihiling din ng prosecution na ma-subpoena ang bank records at mga ulat mula sa Anti-Money Laundering Council.