
Nadiin sa pagdinig sa Sandiganbayan ang Sunwest Incorporated, na naiuugnay kay dating AKO Bicol Party-list Representative Zaldy Co, kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Isiniwalat ng testigo ng prosecution na si Barangay Tagumpay Chairman Nestor Alegria Asi ang ginawa ng kontratistang Sunwest sa proyekto noong 2024.
Ayon sa kanya, kalahati o tatlong metro lamang ng sheet piles o bahagi ng bakal ang ibinaon, imbes na anim na metro, at hahatiin muna ang mga sheet piles bago ilagay ang natitirang kalahati.
Binanggit din ni Asi na napansin nila ang konstruksyon tuwing gabi, kung kailan wala ang mga opisyal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), at itinitigil ang mga trabaho tuwing bumibisita sila sa lugar.
Una niyang idinulog sa Municipal Engineering Office ang kanyang mga obserbasyon, at kalaunan ay humarap ang isang opisyal ng Sunwest, na nangako na itatama ang mga mali, ngunit hindi ito natupad.
Si Asi ay isa sa mga tumayong testigo sa Sandiganbayan ngayong araw laban sa mga opisyal ng DPWH para sa kasong malversation.










