
Posibleng umabot sa 45 degrees Celsius o higit pa ang temperatura sa ilang bahagi ng bansa dahil sa inaasahang Super El Niño sa 2027, ayon sa Climate Change Commission.
Ayon kay CCC Commissioner Albert Dela Cruz, maaari ring bumaba ang pag-ulan at maging mas extreme ang kondisyon ng panahon, na maaaring makaapekto sa tubig, pagkain, enerhiya, kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Sinabi ni Dela Cruz na maaaring unang makaranas ng matinding epekto ang Region 1, Region 2 at Region 3 sa mga susunod na buwan, bago maramdaman ang epekto sa mas maraming lugar pagsapit ng Marso at Abril 2027.
Kabilang sa mga iminungkahing paghahanda ang pagbabago ng class schedules upang maiwasan ang matinding init, gaya ng pagdaraos ng klase sa umaga at hapon.
Samantala, pinatitibay na rin ng DepEd ang mga contingency plan ng mga paaralan, kabilang ang heat at water security, maayos na ventilation at posibilidad ng pagbabago ng class schedules o paggamit ng alternative learning modalities.
Hinimok naman ang publiko na uminom ng sapat na tubig, umiwas sa direktang sikat ng araw sa pinakamainit na oras, at huwag mag-panic o mag-hoard ng pangunahing pangangailangan.









