
Tinatayang sapat ang suplay ng baboy sa bansa ngayong nalalapit na Kapaskuhan, kaya posibleng hindi na tumaas ang presyo nito sa kabila ng inaasahang pagdami ng mga mamimili.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., may katumbas na 170 araw na suplay ng baboy ang bansa, kabilang ang mga nakaimbak na suplay.
Batay naman sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala sa P290.85 kada kilo ang karaniwang presyo ng sariwang karneng baboy na may buto sa unang kalahati ng Oktubre.
Mas mababa ito kumpara sa P295.58 kada kilo noong ikalawang kalahati ng Setyembre at P297.78 kada kilo sa unang kalahati ng nasabing buwan.
Gayunman, sinabi ng DA na karaniwang bahagyang tumataas ang presyo tuwing Pasko dahil sa pagtaas ng demand, ngunit maaaring mapigilan ito ng sapat na suplay sa merkado.










