Isinailalim na sa blacklist ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ang supplier na naghatid ng mga sako ng bigas na kulang sa timbang na ipinamahagi sa ilalim ng programang Bawat Bayan Makikinabang Program.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, inamin ng supplier ang pagkakamali at humingi na ito ng paumanhin sa lokal na pamahalaan. Aniya, ang mga benepisyaryong nakatanggap lamang ng walong kilo sa halip na sampung kilo ay bibigyan ng karagdagang 10-kilong sako ng bigas at hindi na babawiin ang nauna nang naipamahagi.

Sinabi rin ni Usec. Castro na nagsagawa na ng imbestigasyon ang Mandaluyong LGU sa insidente. Sa kabuuang 29,500 sako ng tig-10 kilong bigas na ipinamahagi, tinatayang 50 sako ang napag-alamang kulang ng dalawang kilo. Binigyang-diin din niya na hindi kinukunsinti ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ganitong insidente at dapat maibigay nang buo ang nararapat na ayuda sa publiko.