TUGUEGARAO CITY-Nasa 95 percent na ang muling naibalik ang supply ng kuryente matapos ang naranasang malawakang pagbaha na dahilan nang pansamantalang pagpatay ng linya ng kuryente sa probinsiya ng Cagayan.
Ayon kay Jeff Guzman, Information Officer ng Cagayan Electric Cooperative.Inc. (CAGELCO 1), kasabay nang paghupa ng tubig-baha,na-energized na lahat ang kanilang feeder.
Ngunit may ilang barangay sa bayan ng Alcala, Baggao at dito sa lungsod ng Tuguegarao ang hindi pa tuluyang humuhupa ang tubig-baha kung kaya’t wala pang supply ng kuryente hanggang sa ngayon.
Aniya, maging ang Barangay Balagan sa bayan ng Sto niño ay hindi pa napapasok ng kanilang pamunuan dahil sa paglaki ng ilog.
Sinabi ni Guzman na kailangan ay tuluyang huhupa ang tubig-baha bago muling ibalik ang supply ng koryente para sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Guzman ang mga residente na agad i-report sa pinakamalapit na opisina ng Cagelco sa kanilang lugar kung hindi na gumagana ang kanilang metro ng kuryente dahil sa pagbaha.
Ito ay para matignan ng kanilang mga tauhan at agad na mapalitan kung kinakailangan.
Sinabi ni Guzman na libre ang muling pagsasaayos at pagpapalit ng kanilang metro.