
Ibinahagi ng kampo ni dating Senador Bong Revilla Jr. na magkakaroon sila bukas ng isang ecumenical prayer rally para sa dating senador na siyang gaganapin ng alas kwatro hanggang ala sais ng gabi sa Freedom Park, Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite.
Nasa sampung libong katao naman daw ang inaasahang dadalo sa prayer rally na ito.
Samantala, layunin ng gawaing ito na ipanawagan na magkaroon ng mapayapang bansa at due process para kay Revilla.
Maalala, nitong nakaraang buwan, inilipat na si Revilla sa New Quezon City Jail Male Dormitory kasunod ito ng kanyang kinakaharap na graft at malversation case dahil sa di umano’y P92.8 milyon na ghost flood-control project sa Pandi, Bulacan.










