Inihayag ng Malacañang na planado ang isinagawang surprise rally sa EDSA People Power Monument. Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, madaling-araw pa lamang ay naipabatid na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tungkol sa kilos-protesta.

Sinabi ni Castro na tila sadyang hindi ipinaalam ng mga organizer ang kanilang plano upang maging isang “surprise rally,” na aniya’y hindi naaayon sa umiiral na batas at nagdulot ng abala sa publiko.

Gayunman, nilinaw ni Castro na hindi niya makukumpirma kung nagkaroon ng intelligence lapse. Aniya, ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police (PNP) ang may kakayahang magpaliwanag kung may naging kakulangan sa intelligence gathering. Dagdag pa niya, pinagpaliwanag na ni Pangulong Marcos ang DILG at PNP kaugnay ng naging pangyayari.

Samantala, muling iginiit ng Malacañang na ang usapin kaugnay ng kasong kinahaharap ni Senador Rodante Marcoleta ay nasa hurisdiksiyon na ng Office of the Ombudsman at wala nang kinalaman ang Pangulo sa proseso. Ayon kay Castro, ang reklamo ay may kaugnayan sa umano’y pagtanggap ni Marcoleta ng ₱75 milyong donasyon noong siya ay kongresista, na aniya’y inamin mismo ng senador.