
Arestado sa Pasay City ang isang 29-anyos na lalaki na umano’y miyembro ng New People’s Army at sangkot sa mga pag-atake laban sa mga tauhan ng gobyerno sa Northern Samar.
Dinakip ang suspek ng mga operatiba ng Southern Police District sa isang bus terminal, kung saan papunta umano ito sa Olongapo. Kinilala ang lalaki sa alyas Belho at sinasabing kabilang sa Eastern Visayas Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines.
Ayon sa pulisya, sangkot umano ang suspek sa ilang pag-atake, kabilang ang ambush sa mga sundalo ng Philippine Army noong Hunyo 9, 2018 sa Las Navas, Northern Samar, gayundin sa pagkamatay ng ilang miyembro ng CAFGU. Itinuturing din siyang Top 8 most wanted sa Northern Samar at nahaharap sa kasong attempted murder mula pa noong 2021.
Sinabi ni Margaret Panaga, Police Lieutenant at tagapagsalita ng SPD, na matagal nang nagtatago ang suspek na umabot ng halos limang taon.
Napag-alaman ding nagtatrabaho ito bilang security guard sa Metro Manila at pansamantalang naninirahan sa Pasig City.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang hinihintay ang commitment order mula sa korte. Hindi pa siya nagbibigay ng anumang pahayag hinggil sa mga paratang laban sa kanya.










