
Sumuko na ang suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa babaeng natagpuang nakabalot sa plastic sa gilid ng kalsada sa bayan ng Gamu, Isabela.
Ayon kay Jhomel Carabbacan, asawa ng biktima, kusang-loob na sumuko ang suspek na nagtago sa pangalang “Oman,” sa PNP Naguilian noong umaga ng Martes, Enero 6.
Ang suspek ay residente ng Barangay Minanga, Naguilian.
Agad umanong nagsampa ang pamilya ng kasong murder laban sa suspek noong Biyernes, Enero 9.
Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ng pamilya ang subpoena mula sa korte para sa itinakdang petsa ng unang pagdinig.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Carabbacan sa PNP Gamu dahil sa mabilis at tuluy-tuloy na imbestigasyon na humantong sa pagsuko ng suspek.
Matatandaang natagpuan noong umaga ng Disyembre 20 ang bangkay ng biktimang si Roxanne Carabbacan, 31-anyos, sa Gamu, Isabela, na nakabalot sa pulang plastik at iniwan sa gilid ng kalsada.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na patuloy ang kanilang pagbabantay sa kaso upang maibigay ang hustisya para sa biktima.










