Nahuli na ang 29-anyos na suspek sa pagpatay at pagpugot sa isang 15-anyos na babae na nakita ang bangkay sa isang tubohan sa Valencia City, Bukidnon noong Huwebes, dalawang araw matapos siyang iulat ng pamilya na nawawala.

Ayon sa pulisya, sumuko sa isang tribal leader ang suspek, at dinala siya sa mga awtoridad.

Batay sa naunang ulat, pauwi na ang biktima mula sa paaralan noong Enero 6 pero hindi na siya nakarating sa kaniyang bahay.

Hanggang sa nakita ang bangkay ng biktima sa tubohan sa Barangay Dagat, at nakahiwalay ang ulo sa katawan.

Ayon sa pulisya, unang pinuntahan ng barangay tanod ang suspek sa bahay nito pero tumakas.

-- ADVERTISEMENT --

Kinalaunan, nagpunta umano ang suspek sa bahay ng tribal leader para sumuko.

Nang madala na sa presinto ang suspek, iniharap siya sa abogado at saka umano umamin sa krimen na kaniyang ginawa.

Sinabi umano ng suspek na hinalay bago niya pinatay ang biktima.

Kaugnay nito, sinabi ni Bukidnon Police Provincial Office Director, Police Col. Oliver Navales, nakatulong ang P200,000 na pabuya para matukoy at madakip ang suspek.

Inihayag din ng pulisya na napag-alaman na dati na ring nagkaroon ng kasong pagpatay ang suspek.