Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaril sa hotel kung saan ginaganap ang White House Correspondents’ Dinner sa Washington, D.C. bilang si Cole Tomas Allen, isang 31-anyos na lalaki mula Torrance, California.

Ayon sa mga ulat, sinabi umano ng suspek sa mga awtoridad na target niya ang mga opisyal ng administrasyon ni US president Donald Trump. Gayunman, patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo nito.

Sinabi ni acting US Attorney General Todd Blanche na base sa paunang impormasyon, posibleng nakatuon ang target ng suspek sa mga opisyal ng pamahalaan, kabilang si US president Trump.

Ayon sa pulisya, armado ang suspek ng shotgun, handgun, at ilang kutsilyo nang tangkain nitong pasukin ang seguridad sa hotel. Nagkaroon ng putukan sa pagitan ng suspek at security personnel, ngunit hindi ito tinamaan at agad na naaresto.

Sinabi rin ng mga awtoridad na lumilitaw na nag-iisa lamang ang suspek sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagsasagawa na ng hiwalay na operasyon ang Federal Bureau of Investigation sa California kaugnay ng kaso.

Patuloy ang imbestigasyon habang inaalam pa ang buong detalye at pinagmulan ng suspek.