Isiniwalat sa Sandiganbayan Fourth Division ang umano’y sistema ng paggamit o “pagpapahiram” ng lisensya ng construction firm para sa mga proyektong panggobyerno, batay sa testimonya ni Sally Santos, may-ari ng SYMS Construction Company.

Sa pagdinig kaugnay ng graft case ni dating Senador Bong Revilla, sinabi ni Santos na siya ay hinikayat umano ni dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez na itayo ang kumpanya at gamitin ang lisensya nito para sa mga government projects kapalit ng kita.

Ayon sa testigo, naging malinaw sa kaniya na ang lisensya ng kumpanya ay gagamitin umano ng iba para sa operasyon ng proyekto, bagay na kinumpirma niya sa harap ng korte.

Itinatag ang SYMS Construction noong 2021 at unang sumabak sa maliliit na proyekto gaya ng mga multi-purpose buildings, bago sumali sa bidding ng ilang proyekto ng pamahalaan.

Patuloy na inaalam ng korte ang mga detalye ng sinasabing modus sa procurement at partisipasyon ng iba pang personalidad sa kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Itinakda ang susunod na pagdinig sa Mayo 20.