Nakagawa ang researchers mula sa University of the Philippines Manila ng gamot sa gout na gawa sa ulasimang bato, na kilala din na pansit-pansitan.
Ang nasabing gamot na isang tableta, ay nakitaan na nakakatulong para mapababa ang uric acid levels sa mga pasyente na may gout, na isang karaniwang uri ng arthritis.
Sinabi ng UP sa kanilang article, nakita sa isinagawang clinical trials ang pagbaba ng uric acid levels sa mga participants, na may 40% na pagbaba na na-obserbahan sa loob ng 14 na araw.
Nagpatuloy ang pagbaba hanggang 63% sa loob ng 28 araw hanggang 78% sa loob ng 49 days.
Idinagdag pa ng researchers na wala silang nakita na adverse effect sa mga participants, taliwas sa conventional na gamot sa gout na posibleng magdudulot ng panganib sa kidney at atay.
Sa hiwalay na article, sinabi ng Philippine Council for Health Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST), nakita ng researchers na ang tamang dosage ng gamot sa gout ay 80 mg/kg/day sa una, at babawasan sa
40 mg/kg/day pagkatapos ng dalawang linggo.
Sinabi ni Jade Rodriguez, isa sa research proponents mula sa UP Manila Institute of Herbal Medicine of the National Institutes of Health, ang findings ay may malakas na anti-inflammatory at anti-hyperuricemia properties ang ulasimang bato o pansit-pansitan.
Ayon sa kanya, maaaring mas ligtas at natural ang nasabing gamot sa mga may gout na walang panganib sa pag-inom ng synthetic drugs.
Ayon sa Philippine Rheumatology Association, nasa 1.6 million na Filipinos ang may gout sa bansa.
Naghahanap na ang Technology Transfer and Business Development Office (TTBDO) ng UP ng partners para maibenta sa merkado ang nasabing herbal medicine.