
Posibleng ideklara na ang pagsisimula ng tag-init sa huling linggo ng Marso, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), kasabay ng unti-unting paghina ng amihan o northeast monsoon.
Ayon sa state weather bureau, humihina na ang malamig na hanging amihan—isang senyales na papalapit na daw ang mainit at tuyong panahon. Dagdag pa nito, posible nang ideklara sa susunod na linggo ang opisyal na pagtatapos ng amihan at pagsisimula ng dry season.
Sa kasalukuyan, dalawang weather systems ang nakaaapekto sa bansa: ang amihan at ang easterlies o mainit na hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko.
Gayunpaman, inaasahang mararanasan ang mas mainit na panahon sa mga susunod na araw at linggo.
Sa kabila nito, may mga pag-ulan pa ring mararanasan sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa Caraga at timog na bahagi ng Leyte, dulot ng mga cloud band.
Samantala, inaasahan naman ang pangkalahatang maaliwalas na panahon sa nalalabing bahagi ng bansa.
Para sa araw ng Sabado, makararanas ang Luzon ng mainit na panahon na may panaka-nakang thunderstorms. Inaasahang aabot sa 23°C hanggang 31°C ang temperatura sa Metro Manila at Legazpi, habang mas malamig naman sa Baguio City na nasa 15°C hanggang 21°C.
Kahawig na kondisyon ang mararanasan sa Visayas at Mindanao, kung saan ang temperatura ay maaaring umabot mula 24°C hanggang 33°C sa ilang lugar.










