Inihayag ni Bureau of Customs fixer Mark Taguba sa pagdinig ng Kamara na hindi niya kailanman binawi ang kanyang mga alegasyon na sangkot si Congressman Paolo Duterte at ang manugang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa P6.4 billion shabu shipment na ipinuslit mula China sa pamamagitan ng BOC pitong taon na ang nakalilipas.
Ito ay sa kabila na hinatulan siya ng habangbuhay na pagkakakulong dahil sa kanyang pagkakasangkot sa nasabing kaso.
Sa pagdinig ng House quad committee noong Miyerkules, nilinaw ni Taguba na napilitan lamang siya na humingi ng paumanhin kay Paolo Duterte at sa kanyang bayaw na si Atty Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, at nananatili siyang consistent sa kanyang mga pahayag sa Senado at sa Kamara kaugnay sa smuggling.
Ayon sa kanya, hindi niya kailanman binawi ang kanyang affidavit at hindi na umano patas ito sa kanya dahil sa akala ng marami na siya ay isang drug lord.
Sinabi ni Taguba na ang kanyang kasalanan ay sa “tara” o padulas scheme subalit hindi umano siya sangkot sa droga.
Ayon sa kanya, sinampahan pa siya ng kasong bribery at maging perjury, dahil maaaring takot sila dahil may text messages na hawak siya bilang patunay.
Sinabi niya na noong 2017, sina Duterte, Carpio, at kanilang associates ay bahagi ng tinatawag na Davao Group kung saan nagbabayad siya ng hanggang P1 million kada linggo bilang padulas upang payagan na mailabas ang shipping containers na hindi dumadaan sa inspeksion ng BOC.
Nakumpiska ang shabu shipment sa dalawang bodega sa Valenzuela City noong May 26, 2017.
Sinabi ni Taguba na sinabihan siya ng noon ay Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera Jr. na magbayad ng P5 million bilang “enrollement money” sa Davao Group.
Ipinakita ni Taguba sa mga mambabatas ang text message mula sa isang “Tita Nannie” mula sa BOC kung saan nakasaad dito na gagawin nila ang final arrangement kay Jack, kung saan siya umano ang handler ni Paolo Duterte, at kailangan na magbigay ng enrollment money.
Sinabihan din siya na personal niyang iaabot ang pera, at ibibigay ito kay Jack sa kanilang pagkikita.
Nilinaw ni Taguba na hindi sila personal na nagkita ni Paolo, subalit sinabi sa kanya nina Abellera at Jack na sila ang kukuha sa pera para sa kongresista.
Ayon sa kanya, una niyang nakita si Tita Nannie sa Quezon City mall at binigyan siya ng instructions kung paano makipag-transaksion sa Davao Group.
Bukod sa pahayag ni Taguba na nagtatrabaho sa BOC si Tita Nannie, kailangan na alamin pa ang tunay nitong pagkakakilanlan.
Noong Nov. 18, si Taguba at kanyang mga kapwa akusado na sina Eirene Mae Tatad at Kenneth Dong ay hinatulan ng habangbugay na pagkakabilanggo dahil sa shabu smuggling.
Naghain sila ng motion for reconsideration at hiniling nila na mag-inhibit ang judge na may hawak sa kanilang kaso.