
Nagsimula nang pormal na umatras ang Tajikistan sa pagiging miyembro ng International Criminal Court (ICC), dahilan upang maging ikaapat na bansa na nag-anunsyo ng pagkalas mula sa pandaigdigang korte kasunod ng diplomatikong hakbang ng United States laban dito.
Kasunod ito ng naunang pag-anunsyo ng Chad, Venezuela at Naoero, na dating kilala bilang Nauru, na aalis din sa ICC matapos manawagan ang US noong Hulyo sa mga bansa na kumalas sa korte.
Nauna nang inanunsyo ng Burkina Faso, Mali at Niger ang kanilang pag-alis noong nakaraang taon, dahil sa paniniwalang ginagamit umano ang ICC bilang instrumento ng neo-kolonyal na panunupil.
Sa pahayag ng pamunuan ng governing body ng ICC, sinabi nitong maaaring pahinain ng sunod-sunod na pag-alis ng mga bansa ang sama-samang pagsisikap na makamit ang hustisya at wakasan ang impunity o kawalan ng pananagutan.
Gayunman, nilinaw ng ICC na hindi awtomatikong nawawala ang mga obligasyon ng isang bansa sa mga usaping naganap habang miyembro pa ito ng korte.
Sa kasalukuyan, may 125 miyembrong bansa ang ICC, kabilang ang pitong nagsimula na ng proseso ng pag-alis na inaabot ng isang taon bago tuluyang maging epektibo.










