TUGUEGARAO CITY – Umaasa si Mayor Christine Antonio ng Alcala, Cagayan na magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Transportation at Civil Aviation Authority of the Philippines sa ginawa umano sa kanyang pamilya na umano’y tanim-bala sa Tuguegarao City airport noong July 15,2019.
Sinabi ni Antonio na nagpdala na sila ng letter complaint sa DOTr at CAAP sa nasabing pangyayari upang matigil na ang modus sa nasabing paliparan.
Sinabi ni Antonio na batay sa pangyayari,nakalusot naman ang kanilang tatlong bagahe sa unang x-ray machine sa paliparan.
Ayon sa kanya, papasok na sila sa boarding area nang lapitan sila ng isang empleado na nakilala lamang niya na si Mr.Bulan at nag-alok siya na tulungan sila sa pagbubuhat ng kanilang mga bagahe.
Pumayag naman umano siya hanggang sa muling idaan sa x-ray machine ang kanilang mga karga at nang kukunin na ang mga ito ay pinigil sila ng staff na nasa x-ray machine monitor at ni Mr. Bulan.
Ipinakita sa kanya ang nasa x-ray machine monitor kung saan may itinuro sa kanya na kakaiba sa bag na laman ang mga gamit ng kanyang anak na sinasabing ito ay bala.
Dahil dito,hinalungkat ang bag kung saan nakita ang umano’y bala at nang walang makita ay hinalungkat na rin ang bag ng kasama nilang yaya.
Dito na umano nakialam si Mr. Bulan at tumulong sa paghahanap sa bag ng yaya partikular sa labas na bulsa ng bag at nang ilabas niya ang kanyang kamay ay may ipinakita na siyang bala.
Subalit, nagtataka si Antonio dahil sa bag ng kanyang anak nakita sa x-ray machine ang sinasabing bala subalit nakuha ito sa bag ng yaya.
Bukod dito,kitang-kita sa x-ray monitor na masyadong matingkad ang itim na kulay ng sinasabing bala habang ang ibang mga gamit ay makikita ang kulay ng mga nasa loob ng bagahe at may parte na malabo.
Ipinagtataka rin ni Antonio ang sinabi sa kanya ni Mr. Bulan na off the record na lang na aayusin nila ang nasabing pangyayari.
Idinagdag pa ni Anotonio na wala ang kanyang asawa nang mangyari ang insidente dahil lumabas pansamantala.
Nang dumating na ang kanyang asawa ay kusa umano siyang nilapitan ni Mr. Bulan at sinabi ang insidente.
Subalit,sinabi ni Antonio na hindi sila nagbigay ng halaga kay Mr. Bulan matapos silang payagan na makapasok sa eroplano papuntang Maynila.
Ikinainis din ni Antonio na may mga pulis na malapit sa lugar habang nakikipag-usap sila kay Mr. Bulan subalit wala umano silang ginawa o tila walang pakialam.