Mariing itinanggi ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Jay Tarriela ang mga paratang ng China na “infringement” o panghihimasok ng Navy personnel ng Pilipinas sa Ayungin shoal.

Ito ay kasunod ng panibagong tensiyon sa pagitan ng mga tropa ng Pilipinas na nagmamando sa BRP Sierra Madre at China Coast Guard nitong Lunes, Hulyo 20.

Sa isang pahayag ngayong Martes, Hulyo 21, iginiit ni Tarriela na walang ginawang paglabag o panggugulo ang Pilipinas sa naganap na marahas na engkwentro sa Ayungin Shoal.

Binigyang-diin ni Tarriela na ang mga tropang Pilipino ay nasa loob ng sariling teritoryo nito, habang ang China Coast Guard (CCG) ang naglakbay ng daan-daang milya para maghasik ng gulo sa loob ng katubigan ng Pilipinas.

Giit ng PCG official na ang Ayungin ay bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at continental shelf salig sa 2016 Arbitral Award, na pinal at may bisa sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at walang claim mula sa China kabilang na ang tinatawag na nine-dash line ang may legal na batayan dito.

-- ADVERTISEMENT --

Inilahad din ni Tarriela ang tunay na pangyayari sa naganap na engkwentro kung saan isang rigid hull inflatable boat na may sakay na walong katao ang idineploy ng China Coast Guard 21560 ang lumapit sa BRP Sierra Madre at nagsagawa ng hindi otorisadong malapitang inspeksiyon sa naturang barko ng PH Navy.

Kaugnay nito, nagdeploy ang AFP personnel ng rubber boats para itaboy ang mga ito sa non-confrontational o mahinahong paraan subalit binalewala ng CCG boat ito at marahas na nanlaban.

Ayon kay Tarriela, isang “barbaric” na Chinese crew member ang pumalo sa ulo ng isang sundalong Pilipino gamit ang kahoy na baton, na nagdulot ng malubhang sugat at pinsala sa rubber boat ng Pilipinas.

Tinawag ng Rear Admiral ang marahas na aksiyon ng Chinese crew na isang “assault” sa personnel ng Pilipinas sa mismong EEZ ng bansa at hindi maximum restraint.

Giit niya na binabaligtad ng account ng CCG ang aggressor at biktima, na isang pamilyar na pattern ng illegal, coercive, aggressive, at deceptive (ICAD) na pag-uugali.

Aniya, ang CCG ang nagsimula ng mapanganib na aksiyon at rumesponde lamang ang kanilang rubber boats para protektahan ang BRP Sierra Madre.

“Calling that a “provocation” is like a burglar accusing the homeowner of harassment,” saad ni Tarriela.

“As for “rights protection and law enforcement”: there is no lawful Chinese jurisdiction to enforce at Ayungin Shoal. China has no territorial sea, no EEZ, and no continental shelf entitlement there. Its continued interference with Philippine vessels and personnel violates UNCLOS, the 2016 Award, and international law on the safety of life at sea,” pagtatapos ni Tarriela sa kaniyang post sa X.Radyo

Ang insidente ay naganap sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, na mahigit 600 nautical miles ang layo mula sa Hainan Island ng China