Bumuo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Inter-Agency Task Force para sa paghahanda, pag-oorganisa, at pagho-host ng FIFA Futsal Women’s World Cup (FFWWC) 2025 sa Pilipinas mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 7.

Sa bisa ng Administrative Order No. 35, pamumunuan ang task force ng Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang Department of the Interior and Local Government bilang vice chair.

Kasama sa mga miyembro ng task force ang mga departamento ng turismo, ugnayang panlabas, pananalapi, badyet, kalusugan, ICT, public works, at transportasyon; pati na ang Philippine National Police, Bureau of Immigration, MMDA, National Intelligence Coordinating Agency, NBI, Intellectual Property Office of the Philippines, at Presidential Communications Office.
Maaari ring imbitahan ng task force ang iba pang ahensya ng gobyerno, LGUs, NGOs, civil society groups, akademya, at mga stakeholder bilang observers o resource persons para sa mas epektibong paghahanda.

Ayon sa AO 35, layunin ng FFWWC 2025 na itaguyod ang futsal sa bansa, hikayatin ang mas masiglang partisipasyon sa sports, itaas ang reputasyon ng Pilipinas sa international sports arena, at lumikha ng mga oportunidad sa ekonomiya at turismo.

Inaatasan ang task force na bumuo at magpatupad ng mga plano at aktibidad, kabilang ang pagbili ng mga kagamitan at materyales para sa matagumpay na pag-host ng FFWWC.

-- ADVERTISEMENT --

Pinatitiyak din sa task force ang maayos na koordinasyon ng lahat ng plano at programa kaugnay ng pagdaraos ng torneo.

Pinahihintulutan ang task force na tumanggap ng mga donasyon, kontribusyon, grant, o regalo mula sa lokal o dayuhang pinagmulan, alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon.

Lahat ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang GOCCs at SUCs, ay inaatasang magbigay ng buong suporta, habang hinihikayat naman ang LGUs at pribadong sektor na tumulong sa mga paghahanda.

Ang mga kinakailangang pondo para sa implementasyon ng AO ay manggagaling sa anumang available na budget ng mga kasangkot na ahensya.