Nangako ang tatlong pangunahing airline sa bansa na bababaan ang pamasahe sa eroplano sa pamamagitan ng pagtanggal sa kanilang dalawang pinakamahal na fare classes, ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco.

Inihayag ito ng kalihim sa pagbubukas ng ASEAN Tourism Forum 2026 na ginanap sa Liberty Shrine sa Lapu-Lapu City noong Enero 28.

Ayon kay Frasco, tugon ito sa mga reklamo ng lokal na turista na mas mahal pang bumiyahe sa loob ng bansa kaysa magbakasyon sa ibang bansa.

Gayunman, nilinaw niya na hindi lahat ng destinasyon sa Pilipinas ay may mataas na pamasahe.

Kaugnay naman ng panukalang pagbuwag sa travel tax para sa lahat ng paalis ng bansa, sinabi ng kalihim na nasa Kongreso ang desisyon, bagama’t binigyang-diin niyang mahalaga rin ang travel tax para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay ng forum, pormal ding inilunsad ang ASEAN Tourism Sectoral Plan 2026–2028, na nagbibigay-priyoridad sa pagpapalakas ng tourism workforce, mas maayos na biyahe, at sustainable tourism.

Binigyang-diin ng mga lider ng ASEAN ang kahalagahan ng mas malalim na kooperasyon sa rehiyon upang maisulong ang kaunlaran, katatagan, at inklusibong pag-unlad ng sektor ng turismo.