Tatlong menor de edad na babae ang nalunod nang tangayin sila ng tubig nang lumusong sa binahang spillway ang sinasakyan nilang motorsiklo na minaneho ng kanilang ama-amahan sa Bukidnon.

Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang trahediya sa Bubunawan River sa Barangay Capihan sa bayan ng Libona.

Sinabi ng mga awtoridad, edad anim, walo at 12 ang nasawing magkakapatid.

Kasama rin ng mga biktima sa motorsiklo ang kanilang ina.

Nakaligtas ang ginang, pati na ang ama-amahan ng mga bata.

-- ADVERTISEMENT --

Ikinuwento ng ilang saksi, nawalan ng preno ang motorsiklo kaya nagtuloy-tuloy sa binahang spillway.

Nakalangoy ang ina at ama-amahan, habang tuluyang tinangay ng malakas na agos ng tubig ang tatlong bata.

Unang nakita ang katawan ng 12-anyos na babae na nadala pa sa ospital pero hindi na umabot ng buhay.

Magkasunod naman nakita ang dalawa pang magkapatid sa sumunod na araw nitong Lunes.