Tinanggal ng Department of Transportation (DOTr) ang tatlong empleyado ng Office of Transportation Security na umano’y sangkot sa insidente ng “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ang inihayag ni Transportation Secretary Vince Dizon sa media conference ngayong umaga.

Ang pagtanggal sa mga nasabing empleyado ay matapos na akusahan ng isang 69-anyos na babae na bibiyahe sa Vietnam kasama ang kanyang pamilya ang mga NAIA security personnel ng “tanim-bala” nang pasakay na sana sila sa kanilang flight.

Sa social media post ni Ruth Adel, sinabi niya na kamuntik na silang hindi makasakay sa kanilang eroplano matapos na sabihin sa kanila ng NAIA security na may x-ray image ng “anting-anting” na isang bala sa kanilang bagahe.

Subalit nang isagawa ang physical inspection sa kanilang bagahe, wala silang nakita na bala.

-- ADVERTISEMENT --

Reklamo ni Ginang Adel, kung talagang may bala sa kanilang bagahe, dapat ay pinigil na sila sa x-ray pa lang at hindi sa boarding gate.

Sa kabila nito, nakasakay sila ng eroplano at nakarating sa kanilang destinasyon.

Gayunman, sinabi niya na tumaas ang kanyang alta presyon dahil sa nasabing insidente.