Patay ang tatlong katao matapos na mahulog sa Chico River ang isang Elf truck kasunod ng karambola ng tatlong sasakyan kaninang 6 a.m. sa Sitio Gawa, Barangay Rocucan, Bontoc, Mountain Province, ayon sa Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Batay sa report ng MDRRMO operations center na nabangga ng Elf truck ang isang Fiera at isang mini-dump truck habang binabagtas nito ang pakurbadang kalsada sa mabundok na bahagi ng Gawa.

Dahil dito, lumihis ang Elf truck sa kalsada at nahulog ito sa bangin na may lalim na 100 meters, hanggang sa mapunta sa Chico River.

Narekober ng responders ang tatlong katawan mula sa nahulog na truck.

Sinabi ni Dr. Diga Kay Gomez, health officer ng Bontoc na namatay ang tatlo dahil sa matinding pinsala sa kanilang ulo at katawan.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na ang mga sakay ng truck ay mga manggagawa ng Balintugan Construction, na papunta sana sa kanilang project site sa Kuro-Kuro, Sadanga, nang mangyari ang aksidente.

Nagtamo naman ng minor injuries ang mga driver at mga pahinante ng dalawa pang sasakyan na nasangkot sa insidente.

Patuloy ang paghahanap ng rescue teams sa dalawa pang katao na missing kasunod ng aksidente.

Iniimbestigahan na rin ng mga pulis ang tunay na sanhi ng pagkahulog ng Elf truck sa Chico River.