TUGUEGARAO CITY- Iprinisinta sa media ng PNP Region 2 kaninang umaga ang tatlong lider at isang miembro umano ng New People’s Army na pawang mga babae na naaresto sa Cagayan kagabi sa mga checkpoint.
Kinilala ang mga lider na nahuli sa bayan ng Gattaran na sina Violeta Ricardo, deputy secretary ng Northern Front at head ng finance ng Komiteng Rehion, Cagayan Valley at Christina Miguel Garcia na miembro umano ng squad dos bravo platoon na main group ng nasabing grupo na kumikilos sa east at west Cagayan.
Sila ay may nahaharap sa ilang kaso ng murder.
Naaresto naman sa Tuguegarao si Delilah Padilla na nasa most wanted list dahil sa maraming kaso kabilang ang murder at may patong sa kanyang ulo na P700,000.
Siya ay staff member, Southern Front, Komiteng Rehion Cagayan Valley
Ayon sa PNP, si Padilla ay asawa umano ng lider ng NPA na si Renato Busania.
Arestado din si Carol Garcia, tubong Tondo at naninirahan ngayon sa Brngy. Leonarda na contact umano ng mga NPA at nagkakanlong umano ng mga kriminal sa kanyang tinitirhan sa Tuguegarao.
Ang operasyon laban sa mga nasabing NPA ay isinagawa ng PNP Region 2, Criminal Investigation and Detection Group at militar.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng mga opisyal ng PNP Region 2 at AFP ang mahigpit na pagbabantay at pagiging alerto upang matiyak na hindi sila malusutan sa posibleng tangkang pang-aatake ng NPA.