Magkakasamang nasawi ang tatlong magkakaibigan nang sila ay malunod habang naliligo sa ilog sa Barangay Sisim Alto, Tumauini, Isabela.

Ang mga biktima ay tinukoy lamang sa mga pangalang Rayver, Samson at Vince; pawang mga residente ng ­Isabela.

Sa ulat ng Isabela Police Office, ang mga biktima ay nagkayayaang mag-picnic at maglangoy sa Avvu River noong Martes sa Brgy. Sisim Alto, Tumauini.

Nalaman ang insidente matapos makita ng isang residente sa lugar ang isa sa mga biktima na lumulutang sa nasabing ilog ilang oras matapos na malunod ang mga ito.

Sa isinagawang search and rescue ­operation ng mga otoridad ay narekober naman ang dalawa pang biktima sa ilalim ng ilog.

-- ADVERTISEMENT --

Agad na isinugod ang mga biktima sa Tumauini Community Hospital pero idineklara na ang mga itong dead-on-arrival.