TUGUEGARAO CITY-Tatlong rebelde ang nasawi sa magkasunod na engkwentro sa pagitan ng kasundaluhan at mga New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Cagayan at sa Kalinga kahapon, Mayo 3.
Ayon kay MAJ Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Divsion Philippine Army, unang nakasagupa ang mga miyembro ng 95th Infantry Battalion na nagsasagawa ng military operations ang nasa humigit kumulang 20 miyembro ng Komiteng Probinsya ng Cagayan at Isabela sa Silitio Bigoc, Alucao, Sta Teresita Cagayan.
Dalawa sa mga rebelde ang napaslang at nakita sa pinangyarihan ng sagupaan ang dalawang R4 rifles, isang M16 rifle at isang M653 rifle at maging ang bakas ng dugo ng mga sugatang NPA na nakatakas.
Sumunod ang engkwentro sa pagitan ng 50th Infantry Battalion at ng mga miyembro ng Komiteng Larangang Gerilya Baggas, Ilocos Cordillera Regional kung saan nagresulta ito sa pagkasawi ng isang NPA at pagkakarecover naman ng isang M16 Riffle.
Sinabi ni Pamittan na sa ngayon ay hinihintay pa na maibaba mula sa kabundukan ang labi ng mga napaslang na NPA upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan sa tulong ng mga dati nilang mga kasamahan na nagbalik loob na sa pamahalaan.