Binawian ng buhay ang tatlong pulis matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka dahil sa malakas na agos ng ilog sa Barangay Lubong, Langnao, Calanasan, Apayao, noong Biyernes, Disyembre 6, 2024.

Kinilala ng Apayao Police Provincial Office ang mga nasawi na sina Patrolman John Lorenzo Togay-an Jr. mula sa Benguet, Pat. Resty Paclay Bayog mula sa Kalinga at Pat. Halteric Quezon Pallat ng Apayao na pawang mga kasapi ng 2nd Apayao Provincial Mobile Force Company.

Batay sa ulat ng PNP Apayao na bahagi sila ng seven-man team na noon ay nagsasagawa ng follow-up investigation at operation para sa posibleng pagdakip sa isang suspek na sangkot sa insidente ng pamamaril kamakailan sa Calanasan, Apayao.

Nabatid na ang malakas na pag-ulan ang nagdulot ng paglakas ng agos ng ilog na nagresulta ng pagbaliktad ng kanilang sinasakyang bangka kung saan limang opisyal ang nailigtas habang tatlo ang nawawala.

Narekober ng mga rescuer ang bangkay ni Patrolman Pallat sa Kabugao noong Disyembre 6 at si Patrolman Bayog sa Barangay Musimut sa Kabugao noong Disyembre 7.

-- ADVERTISEMENT --

Umaga nitong Linggo, December 8 natagpuan naman ang bangkay ni Patrolman Togay-an sa Barangay Lower Atok, Flora, Apayao.

Nagluluksa ang Apayao Provincial Police Office sa maagang pagkamatay ng mga nasabing bagitong pulis habang ginagampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin.