Inaresto ang tatlong supporters ni Apollo Quiboloy dahil sa obstruction of justice at direct assault laban sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni PNP Davao Region spokesperson Major Catherine dela Rey sa isang panayam, nangyari ang assault habang nagsasagawa ng rally kagabi ang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ may kaugnayan sa pinakahuling pagtatangka ng PNP na arestohin si Quiboloy na nahaharap sa kasong human trafficking at child abuse.
Ayon kay Dela Rey, naging agresibo umano ang mga miyembro ng KOJC at kumuha ng hindi miyembro na sumali sa rally.
Sinabi niya na hanggang ngayon ay nasa 200 na raliyista ang umiikot sa compound.
Ayon sa kanya, may isang winged van, dalawang cranes, at isang firetruck ang nakaharang sa national highway sa harap ng KOJC compound sa Buhangin District, Davao City.
Sinabi ni Dela Rey na bagamat may nakuhang permit ang KOJC members na magsagawa ng prayer at candle-lighting rally, nilabag pa rin ng mga ito ang ibinigay sa kanila na pass ng city government ng Davao.
Ayon sa kanya, ang nakasulat sa kanilang permit ay isasagawa nila ang aktibidad sa loob ng compound ng KOJC, subalit dinala nila ito sa kalsada at wala umanong candle lighting sa halip ay nagsunog sila ng mga gulong.