TUGUEGARAO CITY- Muling natututukan ngayon ng Department of Health o DOH Region 2 ang kanilang mga programa laban sa tuberculosis o TB matapos na ilagay sa alert level 1 sa covid-19 ang rehion.
Sinabi ni Dr. Janet Ibay, medical officer III ng DOH Region 2 na patuloy ang kanilang awareness campaign at ang kanilang pagtiyak na lahat ng mga resources at mga gamot ay inilalaan para sa panggagamot at prevention ng nasabing sakit upang tuluyang mapababa ang kung hindi man tuluyang mawawala ang TB sa lambak ng Cagayan.
Bukod dito, sinabi ni Dr. Ibay na nag-iikot na rin sila sa mga munisipalidad para ilapit ang kanilang serbisyo para sa mga nagnanais na magpakonsulta.
Sinabi ni Ibay na bukas din ang kanilang Regional Health Unit at mga pasilidad ng mga ospital na nagbibigay ng serbisyo sa mga may TB kabilang sa Cagayan Valley Medical Center.
Kabilang aniya sa maituturing na close contact at kailangan na magpakonsulta ay ang na-expose sa isang tao na may active TB na kasama sa loob ng bahay o workplace sa loob ng tatlo o higit pang buwan.
Ipinaliwanag ni Dr. Ibay na ito ay dahil ang TB bacterium ay airborne o naikakalat ito sa hangin at nagtatagal ito ng ilang oras at araw na ibig sabihin ay hindi kaagad-agad ang infection sa nasabing sakit.
Ayon sa kanya, mahalaga ang maagang pagpapakonsulta upang agad na matugunan ang dapat na pangangailangang medikal tulad na lamang ng TB preventive therapy.
Kasabay nito, sinabi ni Ibay na hindi dapat mahiya na magkonsulta at magpagamot dahil sa ito ay nagagamot at hindi rin dahilan na walang pera sa pagpapagamot dahil ito ay libre.
Kaugnay nito, sinabi ni Ibay na kabilang sa mga sintomas ng TB ay pag-ubo ng dalawang linggo o higit, hindi maipaliwanag na pagkakaroon ng lagnat sa tanghali at hapon, pagbaba ng timbang na hindi naman nagdidiyeta at ang pagpapawis sa gabi kahit na malamig ang panahon.
Samantala, sinabi ni Ibay na dahil sa kanilang pagtutok sa sakit na TB, bumaba ang kaso nito noong 2021 na 6, 920 mula sa malaking bilang noong 2019 na mahigit 16, 000 habang mahigit 8, 000 naman nitong 2020.
Ginunita ang World TB Day noong March 24 sa temang ” Infest to End TB, Save Lives”.