Bahagyang lumakas ang tropical depression na si “Crising” habang patuloy nitong tinatahak ang silangang bahagi ng Bicol region, ayon sa pinakahuling ulat ng weather bureau.
Ayon sa ahensiya, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 615 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometers per hour (kph) at pagbugso ng hanggang 70 kph habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 10 kph.
Dahil dito, itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang mga lugar kabilang ang Gattaran, Baggao, at Peñablanca, Cagayan; Maconacon, Divilacan, Palanan, Dinapigue, San Pablo, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, San Guillermo, Benito Soliven, Echague, Jones, San Agustin, Naguilian, Cauayan City, Angadanan, Gamu, Cabagan, at Reina Mercedes, Isabela; Dilasag, Casiguran, at Dinalungan, Aurora; at Maddela, Quirino.
Inaasahan ang malalakas na pag-ulan na dala ni Crising sa malaking bahagi ng Southern at Central Luzon, kabilang ang Metro Manila, maging sa Visayas at Zamboanga Peninsula.
Nagbabala rin ang weather bureau na posible pang lumakas si Crising at umabot sa kategoryang severe typhoon bago ito mag-landfall sa pagitan ng mainland Cagayan o Babuyan Islands sa madaling araw ng Biyernes o Sabado.
Tinatayang lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa hapon o gabi ng Sabado.
Pinapayuhan ang publiko na maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib.