TUGUEGARAO CITY – Tutulungan ng ACT Partylist ang isang guro na pinahiya ng TV anchor na si Raffy Tulfo sa kanyang programa.
Sinabi ni ACT Partylist Representative France Castro na nakatakda niyang kausapin ang guro na si Melita Limjuco,bukas araw ng Lunes upang alamin kung ano ang gagawing aksion laban kay Tulfo.
Ito ay matapos na sabihin pa ni Tulfo sa kanyang programa na mag-resign na ang teacher dahil sa ginawang pagpapalabas sa kanyang estudyante dahil sa hindi ibinalik na report card.
Binigyan diin ni Castro na labis-labis ang ginawa ni Tulfo sa guro.
Ayon sa kanya dapat na idaan sa proseso ang anumang reklamo sa mga guro at hindi sa pamamagitan ng trial by publicity.
Dahil dito, sinabi ni Castro na dapat na maipasa na ang Teachers Protection Act na nakabinbin pa sa kongreso upang mabigyan din ng proteksion ang mga guro sa anumang pang-aabuso at paglabag sa kanilang karapatan.
Nabatid na ang guro ay nagtuturo sa Epifanio Delos Santos Elementary School at 29 na sa kanyang propesyon.