Nagpahayag ng concerns ang education groups sa tinatawag na “teachers mismatch”, kung saan nagtuturo ang mga guro ng asignatura na hindi nila major field of study o expertise.

Sinabi ni Vladimer Quetua, chairperson of the Alliance of Concerned Teachers, na may ilang dahilan na nakakaapekto sa sitwasyon, kabilang ang kakulagan ng budget at plantilla positions sa mga public schools.

Inihalimbawa ni Quetua ang guro sa Araling Panlipunan na nagtuturo ng Technical-Vocational-Livelihood (TVL), at may nagtuturo ng Home Economics na hindi naman niya major.

Sa English naman, sinabi niya na alam umano ng Schools Division Offices (SDOs), na marami ang pangangailangan, subalit, pinagtuturo ang mga hindi naman major ang nasabing asignatura.

Dahil dito, sinabi ni Quetua na nais nilang magkaroon ng “urgent dialogue” sa Department of Education (DepeD) sa gitna ng mga concerns sa oras ng pagtuturo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi naman ni ACT-Teachers party-list Rep. France Castro, dating public school teacher, kailangan na maging prayoridad ang epektibong pagtuturo at hindi lamang para makatugon sa mga pangangailangan ng curriculum at paaralan.

Ayon kay Castro, nakakabahala na maging ang hindi major ang mathematics ay pinagtuturo ng nasabing asignatura.

Inamin naman ng DepEd na nangyayari ang mga nasabing kaso dahil sa kakulangan ng mga guro na may specialization sa isang partikular na asignatura.

Batay sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), 62 percent ng high school teachers sa bansa ang nagtuturo ng mga asignatura na labas sa kanilang college specializations.

Ayon sa EDCOM 2, mahigit kalahati ng science teachers ay walang background sa asignatura.

Binigyang-diin ng EDCOM 2 na matagal nang concern ang mismatch sa pagitan ng specialization ng guro sa itinalaga sa kanila na mga asignatura.

Sinabi naman ni Atty. Kristine Carmina Manaog, legal counsel ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), na ganito rin ang kanilang problema sa pagkuha ng mga guro sa private schools.