Nagpatupad na ng temporary total ban sa mga produktong baboy sa buong lalawigan ng Kalinga mula sa mga lugar na kumpirmadong tinamaan ng African Swine Fever (ASF).
Sa inilabas na executive order No.54 na nilagdaan ni Governor Ferdinand Tubban, bawal na ang pagpasok sa Kalinga ng buhay na baboy at karne.
Inatasan ang Provincial Veterinary Office na magtatag ng quarantine checkpoints at magsagawa ng inspection sa mga pampublikong pamilihan kasama ang mga slaughter house.
Napag-alaman na unang nagpatupad ng checkpoint ang city veterinary office para masiguro na mayroong kaukulang dokumento ang mga karne na pumapasok sa nasabing lugar.
Kasabay nito siniguro din ng gubernador na ligtas kainin ang mga karne ng baboy sa nasabing lugar.
Sa katunayan, nitong nakalipas na buwan ay pinangunahan ni Tubban ang isinagawang lechon boodle fight kasama ang mga hog raisers para ipakita sa publiko na ligtas kainin ang mga karne ng baboy sa Kalinga.