
Iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Pilipinas si Thomas Markle, ama ni Meghan Markle na asawa ni Prince Harry ng United Kingdom, kaugnay ng mga alegasyong nagmamay-ari ito ng mga larawan ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Ty, kasalukuyang iniimbestigahan ng Anti-Trafficking at Anti-OSAEC Task Force sa Cebu ang naturang usapin.
Itinanggi naman ni Thomas ang mga alegasyon laban sa kaniya, na inilarawan niyang mga kasinungalingan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Meghan na labis siyang nababahala sa mga alegasyong lumitaw at ang kaniyang mga iniisip ay nasa mga batang maaaring naging biktima ng pang-aabuso.
Ayon kay Meghan, batid na niya ang mga alegasyon laban sa kaniyang 82-anyos na ama mula pa noong 2018. Dahil dito, hindi niya pinahintulutang makipag-ugnayan ito sa kaniyang mga anak na sina Archie, 7, at Lilibet, 5, upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Matagal nang walang komunikasyon ang mag-ama, simula bago ang kasal nina Meghan at Prince Harry noong 2018.
Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ang anak ni Thomas na kapatid sa ama ni Meghan, na kapangalan din nito, ang nagbigay sa pulisya ng mga ebidensiya kaugnay ng mga alegasyon, kabilang ang isang laptop.
Ayon kay Remulla, pinaniniwalaang nakabalik na sa Estados Unidos si Thomas, na matagal ding nanirahan sa Cebu.
Sinabi rin ni Meghan na ipinakita sa kaniya ang isang liham na ipinadala sa pulisya ng United Kingdom noong 2018 na naglalaman ng mga nakababahalang alegasyon laban sa kaniyang ama.
Kinumpirma naman ng Metropolitan Police na batid nila ang mga ulat hinggil sa nasabing liham at nagsasagawa sila ng panloob na pagsusuri upang matukoy ang mga detalye nito.
Samantala, sinabi ng Federal Bureau of Investigation o FBI ng Estados Unidos na alam nila ang mga alegasyon at susuportahan ang mga awtoridad ng Pilipinas kung kinakailangan. Iimbestigahan din nila ang anumang kaugnay na paglabag sa pederal na batas ng Amerika.
Umaasa si Meghan na ganap na maipatutupad ang hustisya at mananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan at proteksiyon ng mga bata.










