Patuloy na manunungkulan sa kanyang ikalawang termino bilang alkalde ng Tuguegarao City si Maila Ting-Que matapos siyang maiproklama ng city board of canvassers nitong madaling araw ng Martes.

Tinalo niya sa posisyon ang dating alkalde rin ng siyudad na si Atty Jefferson Soriano.

Nakakuha si Que ng mahigit 45,000 na boto kung saan ito na ang pinakamalaking bilang ng boto na nakuha ng isang alkalde sa kasaysayan ng eleksyon sa Lungsod.

Kasamang naiproklama ang bagong bise alkalde ng Lungsod si Incumbent 3rd District Board Member Pastor Ross Resuello at ang 12 konsehal.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ting-Que na nakahanda siyang makipagtulungan kay Vice Mayor elect Resuello para sa ikabubuti ng Tuguegarao.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, batay sa pinakahuling partial at unofficial result, umabot na sa 251,280 ang botong nakuha ni Egay Aglipay habang ang katunggaling si Zarah Lara ay pumangalawa matapos makakuha ng 219,641 votes, at si incumbent Vice Governor Melvin Vargas naman ay mayroong 151,096 votes.

Tiyak na rin ang panalo ni incumbent Governor Manuel Mamba sa Vice gubernatorial race na nakakuha ng mahigit 300K votes sa isang landslide victory.

Kapwa nagpaabot ng pasasalamat si Aglipay at Mamba sa mga Cagayanong sumuporta at nagtiwala sa kanila upang isakatuparan ang pagkakaisa at adhikaing tungo sa pagtataguyod ng mas progresibo, maayos, at makataong pagseserbisyo para sa bawat Cagayano.

Nangunguna naman sa congressional race sa 3rd District ng Cagayan si incumbent Rep. Joseph Lara.