TUGUEGARAO CITY-Isinailalim sa 16-day total lockdown ang Tinglayan, Kalinga na nagsimula kahapon, Disyembre 6 hanggang 21 ng taong kasalukuyan dahil sa mataas na kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa nilagdaang executive order ni Mayor Sacrament Gumilab ng Tinglayan, patuloy umano ang pagtaas ng bilang ng mga dinadapuan ng virus sa lugar na nagsimula nitong Nobyembre 16, 2020 na pumalo na sa 98.

Naitala ang mataas na kaso ng nakakahawang sakit sa barangay Bangad, bangad Centro, lower Bangad at upper Bangad.

Nakapagtala rin ng kaso ng virus ang barangay Poblacion at mga karatig na barangay ng Bangad.

Nakasaad sa EO na kabilang sa mga dinapuan ng sakit ang mga opisyal at mga empleyado ng Local na pamahalaan ng Tinglayan.

-- ADVERTISEMENT --

Layon ng total lockdown na mapabilis ang ipapatupad na contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.

Dahil dito, pansamantalang hindi pinapapasok sa lugar ang mga Locally stranded Individuals at returning residents dahil puno na rin ang kanilang isolation units.

Pinayuhan din ng alkalde ang mga residente na manatili lamang sa kanilang mga tahanan maliban na lamang kung may importanteng gagawin tulad ng pagbili ng pangunahing pangangailangan.